Telepono

Natataranta, nalilito sabay nababagot
Sa sandaling tila ba ika’y nakakalimot
Di mapakali, dibdib panay ang kabog
Tinutulak ang luha sa matang pagod.

Sa lahat ng panahon at pagkakataon
Ikaw ay sandalan ng bigong kahapon
Pinagkait man na marinig at makita
Sa puso tumatagos ang pag-aruga.

Kamay inuunat di pa rin mapang-abot
Mga luha’t tawa hangin ang nagdadala
At ang mga daliri di alintana ang pagod
Sa dulo ng mundo, pamilya’y inaalala.

Sabay sa pagsikat ng bagong umaga
Ang huni ng ibong isinaliw sa musika.
Subalit labis ang dalang pangamba
Kung ang telepono ay di kumakanta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *